Arestado ang isang 55-anyos na lalaki, kinilalang si alyas “Rom,” matapos umanong hawakan ang private part ng isang 5-taong gulang na bata habang nanonood ito ng telebisyon sa kanilang tahanan sa Brgy. Muzon South, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Batay sa imbestigasyon, ang biktima ay mag-isang nanonood ng telebisyon nang lapitan umano ng suspek, na step grandfather niya, at hinipuan sa maselang bahagi ng katawan.

Nang mapansin ng bata ang pagdating ng kanyang ina, agad niya itong sinumbungan hinggil sa ginawang kahalayan ng suspek.

Humingi ng tulong ang mag-ina sa mga opisyal ng barangay na agad namang rumesponde at inaresto si Rom.

Agad siyang isinuko sa mga awtoridad para sa pormal na imbestigasyon. Samantala, ang biktima ay dinala sa City Social Welfare and Development Office upang mabigyan ng kaukulang tulong at proteksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa batas laban sa pang-aabusong sekswal sa mga menor de edad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang matiyak ang hustisya para sa biktima.