Pinaalalahanan ng isang pari sa Archdiocese of Cebu ang mga mananampalataya na huwag agad na maniwala kung may hindi pangkaraniwan na nangyayari sa imahe, lalo na kung sinasabing ito ay isang himala.
Nag-ugat ito sa viral video ng isang imahe ng Señor Sto. Niño, na nakita umano na umiiyak.
Kinuha ang video noong July 26 sa isang bahay sa Barangay Basak Pardo sa Cebu City.
Batay sa may-ari ng imahe, lagi umano niyang pinupunasan ang likido na lumalabas sa kaliwang mata ng imahe at ang likido na pinaniniwalaan na luha ay patuloy pa rin na lumalabas sa mata ng imahe.
Sinabi ng pari na wala pang kautusan mula sa Archdiocese kung iimbestigahan o aalamin kung ano ang nangyari.
Ayon pa sa kanya, bukas sila na makipag-usap sa may-ari kung ipapasakamay sa kanila ang Sto. Niño, subalit magiging mahaba umano ang proseso.
Idinagdag pa niya na hindi madali na magproklama na ang isang pangyayari ay himala.
Sa ngayon, sinabi ng pari na ikokonsidera pa rin nila ang “crying image” ng Sto. Niño na isang ordinaryong imahe hanggang may angkop at tamang judgement sa nasabing insidente.