Nagpasiya ang Supreme Court ng Spain na ang isang halik na walang pahintulot ay maituturing na sexual assault.
Ang desisyon ay ilang buwan bago humarap sa paglilitis si dating football federation chief Luis Rubiales dahil sa kanyang unsolicited kiss sa Women’s World Cup.
Pinagtibay ng Supreme Court ang tuling ng mababang hukuman mula sa southern region ng Andalusia na hinatulan ang isang police officer ng sexual assault at makukulong ng isang taon at siyam na buwan dahil sa paghalik sa isang babae sa pisngi na nasa kostodiya ng pulisya.
Ayon sa korte, hindi na kailangan na sabihin ng babae na ayaw sa tangkang paghalik sa halip ay kailangan ang pahintulot.
Iginiit ng korte na kung walang pahintulot na ibinigay, ito ay maituturing na sexual agression.
Naging mainit na usapin kung maikokonsidera na sexual assault ang unsolicited kiss sa Spain matapos na magresulta ng galit sa buong mundo ang paghalik ni Rubiales sa star player na si Jenni Hermoso sa kanyang labi sa medal ceremony matapoa na talunin ng Spain ang England sa World Cup sa Australia nitong nakalipas na taon.
Binalewala lamang ito ni Rubiales, 46 anyos at sinabing ito ay consensual na saglit na halik, subalit itinanggi ito ni Hermoso, 34 anyos.
Nagsampa si Hermoso ng kaso laban kay Rubiales noong Setyembre.
Nakatakdang humarap sa paglilitis si Rubiales mula February 3 hanggang 19 dahil sa nasabing halik.
Inirekomenda ng public prosecutors ang hatol kay Rubiales na isa at kalahating taon na pagkakakulong, isang taon para sa sexual assault at 18 months para sa coercion o pamimilit.
Sinabi ni Rubieles na nagbitiw sa kanyang puwesto noong nakaraang taon dahil sa nasabing kontrobersiya na hindi niya maintindihan kung paanong ang nasabing halik ay isang sexual assault gayong wala namang sexual context sa nasabing insidente.