Nasa gitna ng matinding pagkaantala sa pandaigdigang shipping ang Strait of Hormuz matapos maapektuhan ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Iran at mga kaalyadong bansa, kung saan tinatayang 1,500 barko at humigit-kumulang 20,000 tripulante ang hindi makagalaw, ayon sa International Maritime Organization (IMO).

Sa ulat ni IMO Secretary-General Arsenio Dominguez sa Maritime Convention of the Americas sa Panama, sinabi niyang ramdam na ang epekto ng krisis sa isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan at suplay ng langis.

Dahil sa umiiral na blockade at insecurity sa lugar, maraming barko ang hindi makapasok o makalabas sa Gulf, na nagdudulot ng pagkaantala sa delivery ng mga produkto at enerhiya sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ayon sa IMO, patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon habang nananawagan ng mas ligtas na pagdaan ng mga barko at proteksyon para sa mga tripulante na apektado ng krisis.