
Inihayag ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) na may panukalang-batas na isusumite sa Kongreso na layong i-regulate ang motorcycle at magtakda ng mas mahigpit na panuntunan bago mailabas ang mga bagong motorsiklo sa merkado.
Ayon kay PBGEN Hansel Marantan, Director ng PNP-HPG, nakapaloob dito na bago makapaglabas ng motorsiklo ang isang tao, kinakailangang sumailalim ito sa motorcycle training.
Batay sa datos ng PNP-HPG, mayroong mahigit 300,000 road crash incidents ang naitala sa buong bansa sa nakalipas na tatlong taon kung saan 38% ng mga insidenteng ito ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Ipinaliwanag ni Marantan na karamihan sa mga aksidente ay nag-uugat sa kawalan ng training ng rider, gaya ng tamang defensive driving at pag-iwas sa criss-crossing sa kalsada.
Samantala, sinabi ni Marantan na planong maglunsad ng ahensiya ng Motorcycle Riding Academy.
Ayon pa kay Marantan, inaasahang sa loob ng dalawang buwan, maisasaayos na ang mga panuntunang magpapalakas sa regulasyon at kaligtasan sa kalsada.
Nagpaalala ang ahensiya sa lahat ng rider na sumunod sa batas-trapiko, magsuot ng kumpletong protective gear, at maging responsable at maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang karagdagang aksidente.










