TUGUEGARAO CITY- Umaasa si dating Vice Governor Leonides Fausto, chairman ng mill district ng Cagayan na hindi mauungkat ang panukalang Sugar Liberalization Law ngayong anihan ng tubo.

Sinabi ni Fausto na bagamat, nangako naman ang mga senador na hindi aaprubahan ang nasabing panukala ay hindi pa rin sila nakatitiyak dito.

Ito aniya ay dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng produksion ng asukal sa bansa na nagbubunsod naman ng kakulangan ng supply at pagtaas ng presyo ng asukal.

Matatandaan na nag-lobby ang mga local officials at mga magtutubo sa buong bansa sa senado para hilingin na ibasura ang panukalang SLL dahil sa pangambang lalong malulugmok ang mga magtutubo kung papasok ang asukal mula sa ibang bansa na mas mura ang halaga.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Fausto na dahil sa pagkalugi ng mga magtutubo bunga na rin ng mga bagyo at tagtuyot ay marami na sa mga magtutubo ang lumilipat sa pagtatanim ng mais at iba pang high value commercial crops.