Photo of PRO2 Regional Public Information Office

Nagpapagaling na sa kampo ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) na nasugatan sa naganap na engkwentro sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Ito ay matapos siyang mahuli at tulungan ng mga miyembro ng 17th Infantry Battalion dahil iniwan siya ng mga kasamaha na nagmadaling tumakas.

Ayon kay CAPT Rigor Pamittan ng Division Public Affairs Office, Philippine Army, habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang tropa ng militar ay nakita nila ang sugatang NPA na nagtamo ng tama ng baril sa kanang paa kayat hindi na niya nagawang makapaglakad at iniwan ng mga kasamahan.

Nabatid sa ulat ng PNP Region 2 na ang rebelde ay isang Filipino-Japanese na kinilalang si alyas “Brown”, dating estudyante sa isang malaking unibersidad sa Maynila at ang asawa na kinilalang si alyas “Dessa”, kasapi ng KOMPROB Isabela sa ilalim ng pamumuno ng isang Commander “Rannie”.

Nabatid na narekober ang isang M4 Commando Colt, isang bushmaster rifle, tatlong short firearms (pistol), anim na improvised explosive device, isang rifle grenade, pitong bala ng M203 Grenade Launcher, isang RPG ammunition, 12 magazine ng M14, 16 magazine ng M16, limang bandolier, isang radio, isang laptop, mga cellphones, subersibong dokumento, at mga personal na kagamitan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng 5th ID sa mga magsasaka na nasiraan ng pananim at naapektohan ng paglapag ng chopper na ginamit upang i-rescue ang sugatang NPA.

Saad niya, nakikipag-ugnayan na sila sa Provincial Government ng Cagayan at sa LGU Baggao kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan para mabigyan ng agarang tulong ang mga naapektohang magsasaka.

Ipinaliwanag ni Pamittan na sa paglapag ng chopper ng militar ay may mga sinusunod silang panuntunan na dapat ikonsidera kabilang na ang kaligtasan ng mga residente at maging ang siguridad ng mga sundalong sakay nito laban sa banta ng pag-atake ng mga rebelde.

Naitaon aniya na ang maisan ang natukoy na pinakaligtas kayat dito lumapag ang isa sa dalawang chopper ng militar na kasama sa pagresponde at hot pursuit operation.