Ikinaalarma ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang tumataas na kaso ng suicide o nagpapakamatay sa lalawigan.

Ito’y kasunod ng 22 na bilang ng nagpakamatay sa ibat-ibang bayan sa lalawigan, simula noong January hanggang September 20 ng taong kasalukuyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Capt. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng CPPO na batay sa datos, lalaki ang pinakamarami sa bilang na 19 habang 3 ang babae kung saan dalawa ang menor de edad na pawang nagbigti.

Dahil dito, inilunsad ng pulisya ang “SAGIP” pamilya o Solusyon para Aksyunan ang Karahasan at Gabayan ang Indibidwal sa Pag-unlad ng Pamilya sa bawat Women and Children Protection Units ng pulisya.

Layon nitong palaganapin ang pagtuturo sa paaralan at kabahayan para maiwasan ang pagpapakamatay sa pamamagitan ng National Suicide Awareness Prevention Month at ang kampanya laban sa mga violence related incident.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Mallillin, kadalasang dahilan ng mga nagpapakamatay ay ang problema sa pamilya, maging ang psychological at emotional imbalance.

Kung kaya mahalaga aniya na magkaroon ng kaalaman ang publiko sa suicide lalo na sa responsibilidad ng magulang sa paggabay sa kanilang mga anak.

Ngayong buwan ng Setyembre pa lamang ay limang insidente na ng nagpakamatay ang naitala ng pulisya at ang pinakahuli ay ang pagbigti ng 11-years old na babae gamit ang kanyang pajama sa bayan ng Gonzaga.