Umaabot na sa mahigit 2,000 na mga reklamo ang naisumbong sa pamamagitan ng “Sumbong sa Pangulo”, isang linggo lamang matapos na ito ay ilunsad.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inilunsad ang website upang hikayatin ang publiko na direktang mag-report ng pinaghihinalaang iregularidad sa flood control projects sa buong bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Castro na isinusulong ng Pangulo ang paghahain ng kaso laban sa sinomang mapapatunayan at mga sangkot sa mga nasabing anomalya.

Ang “Sumbong sa Pangulohttp://sumbongsapangulo.ph/” website ay inilunsad noong Agosto 11, pinapayagan ang mga mamamayan na tignan ang mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maaaring tingnan ng mga ito ang lokasyon, kontratista, halaga at completion date ng mga proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabilang dako, ang pagsirit ng reklamo ang nag-udyok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lansagin ang “ghost projects” at mga kontratista at mga opisyal na nasa likod nito.

Samantala, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ipalabas ang listahan ng flood control projects para mapigilan ang iregularidad at inatasan na kaagad na i-blasklist ang mga tiwaling kontratista.

Nagbabala rin ang Pangulo sa mga sangkot, partikular na sa mga opisyal ng gobyerno na haharap sila sa masusing imbestigasyon at posibleng legal action.