Nasawi ang isang sundalo mula sa Abra matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang motorsiklo kagabi, Mayo 13, sa Barangay Apatan, Pinukpuk.

Kinilala ang biktima na si Sgt. Elmer Paredes Racsa Jr., residente ng Manabo, Abra.

Base sa imbestigasyon, nawalan umano siya ng kontrol sa kanyang motorsiklo matapos dumaan sa bahagi ng kalsada na binabaha ng rumaragasang tubig mula sa bundok.

Ayon sa Pinukpuk Fire Station, agad na rumesponde ang kanilang mga tauhan, kasama ang PNP, mga lokal na opisyal, at mga volunteer upang iligtas ang biktima.

Ngunit sa lakas ng agos ng tubig, nadala si Racsa at nahulog sa isang bangin na tinatayang 20 metro ang lalim.

-- ADVERTISEMENT --

Agad siyang isinugod sa Pinukpuk District Hospital, subalit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.