TUGUEGARAO CITY-Patay ang isang sundalo ng Philippine Army matapos barilin ng kasamahang sundalo sa kanilang kampo sa Brgy Piggatan, Alcala, Cagayan.

Kinilala ni Major Jekyll Julian Dulawan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division ang namatay na sundalo na si Sgt Paulino Gavino Jr, 29-anyos, residente sa bayan ng Mallig, Isabela.

Agad namang sumuko ang suspek na si Cpl Rickson Rulloda, 32-anyos, residente ng Brgy. Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Dulawan, parehong nakatalaga ang dalawa sa kampo ng 77th Infantry Battalion, Philippine Army at kapwa nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang mangyari ang pamamaril.

Batay sa imbestigasyon, nagkainitan ang dalawa dahil lamang sa hindi pagkakasundo sa kanilang deployment ng kani-kaniyang duty hanggang sa binaril ng suspek ang biktima sa kanyang tiyan gamit ang Glock 17 service firearm nito.

-- ADVERTISEMENT --

Dead on arrival sa pagamutan ang biktima habang nasa pangangalaga na ng 5th ID ang suspek na nahaharap sa criminal at administrative case.