Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga otoridad kaugnay sa nangyaring pamamaril ng isang miyembro ng Philippine Army sa loob mismo ng kampo ng 5th Infantry Division kahapon.
Sinabi ni Captain Eduardo Rarugal, division public administrative office chief ng 5th ID na nasa kustodiya na ng pulisya sa Gamu, Isabela ang suspect na si Sgt.Mark Angelo Ajel, 32, miyembro ng Philippine Army at nakatalaga sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Rarugal, sa initial investigation, nakita ng isa pang sundalo ang pumasok na van sakay ang suspect at makalipas ang ilang minuto ay may narinig na sunod-sunod na putok ng baril.
Agad na rumesponde ang ilang sundalo at military police at pinadapa ang suspect na maayos naman na tumalima.
Sinabi ni Rarugal na pinagbabaril ng sundalo ang mga kasama niya sa loob ng van na kinabibilangan ng kanyang asawa na si Erlinda at ang kanyang biyenan na si Lolita Ramos, at ang kanilang driver na si Rolando Amaba, pawang mga residente Benito Soliven, Isabela.
Dead on the spot ang tatlo na pawang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanilang ulo.
Sinabi ni Rarugal na inaalam na ng pulisya kung ano ang motibo ng sundalo sa ginawa niyang pamamaril.
Idinagdag pa ni Rarugal na nakakalungkot ang nasabing insidente dahil sa sundalo ang suspect at nangyari ito sa loob mismo ng kanilang kampo.