TUGUEGARAO CITY-Ipinasakamay na ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army sa PNP-Tabuk ang isa nilang sundalo na sangkot sa pamamaril sa lungsod ng Tabuk.
Ayon kay Col. Santiago Enginco, Commander ng 503rd IB, nagpasundo ang sundalong suspek na si Corporal Denmark Baddongon sa tropa ng militar sa Barangay Naneng sa mismong bahay ng kanyang mga magulang kung saan siya kusang sumuko.
Aniya, agad na dinis-armahan ang suspek at ipinagbigay alam sa kapulisan na nasa kustodiya na nila ang sundalong bumaril sa dalawang biktima na sina Denver Tubban na idineklarang patay sa pagamutan at ang sugatan na si Jenner Ewad.
Sinabi ni Enginco na hindi nakaduty ang suspek nang mangyari ang pamamaril at inaalam na rin nila kung ang nakaisyu sakanya na 9mm na baril ang ginamit sa pamamaril.
Ipinadala na rin ng hanay ng kasundaluhan sa PNP-Tabuk ang naisyung baril para sa kaukulang imbestigasyon.
Magkakaroon din aniya ng sariling imbestigasyon ang kasundaluhan at kanilang titignan ang umano’y pagkahilig sa sabong ng suspek na mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng mga uniformed personnel.
Posibleng masibak sa serbisyo ang sundalo depende sa resulta ng gagawing imbestigasyon ng kasundaluhan.
Napag-alaman nag-ugat ang pamamaril dahil umano sa sinisingil ng suspek na P2,000 mula sa namatay na biktima.
Inaalam na rin ang pagkahalig umano sa sabong ng sundalo.