Patay ang isang sundalo na papunta na sana sa kanyang trabaho nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa puno ng Malunggay sa bayan ng Alcala, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Staff Sergeant Miguel Limbaua, 55-anyos, at aktibong miyembro ng 77th Infantry Batallion, Philippine Army na nakabase sa Piggatan, Alcala.

Ayon kay PMAJ Dennis Matias, hepe ng Alcala-PNP, galing sa bakasyon sa kanilang lugar sa Mountain Province ang biktima at pabalik na sana sa kanyang trabaho nang mangyari ang aksidente sa Brgy Tupang noong alas 2:00 ng madaling araw ng April 5.

Ayon sa imbestigasyon, posible umanong nakatulog ang sundalo dahil sa mahabang byahe o sa madulas na lansangan bunsod ng mga pag-ulan ang sanhi ng pagsalpok nito sa malaking puno ng malunggay na maituturing na self-accident.

Sinabi ni Matias na wala namang nakitang bakas ng dugo sa biktima, maliban lamang sa natamo nitong bukol sa leeg kung saan nakasuot naman ito ng helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay isasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.