
Nasunog ang isang kwarto ng isang beach resort sa bayan ng Aparri, Cagayan kahapon, Marso 26.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang sunog bandang 11:45 ng gabi na agad namang ini-report ni Punong Barangay Evelyn Albano sa mga awtoridad.
Ayon kay SFO2 Paul Saquing, isang insidente ng sunog ang napansin nang marinig ng anak ng may-ari ng resort ang tunog ng smoke detector mula sa isang kwarto sa hotel.
Sa oras ng insidente, wala namang naiulat na mga naka-check-in na guests.
Agad namang naapula ng may-ari ang apoy gamit ang fire extinguisher at bucket relay, kaya hindi na kumalat ang apoy.
Ayon sa ulat, tinatayang P10,000 ang halaga ng mga nasunog na materyales kung saan isang silid ang tinamaan ng sunog, kasama ang mga bed sheet, foam, TV, at aircon.
Sinabi ni SFO2 Saquing na maaaring dulot ng electrical issue ang sunog, ngunit sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng apoy.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 2, sa unang quarter ng 2025, naitala ang 24 na insidente ng sunog sa Cagayan, kabilang ang 14 na structural, 7 na non-structural, at 3 na vehicular.
Karamihan sa mga ito ay dulot ng electrical loose connection.
Nagpaalala naman si SFO2 Saquing sa publiko na laging maging maingat at handa upang makaiwas sa sunog na maaaring makapinsala sa tahanan at komunidad.