
Inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang tinatawag na “super flu” ay hindi dapat ikabahala, ngunit pinapayuhan pa rin ang publiko na magpabakuna at sundin ang tamang pag-iingat.
Naitala ng DOH Epidemiology Bureau ang 17 kaso ng super flu sa Metro Manila mula Hulyo hanggang Agosto noong nakaraang taon, at lahat ng pasyente ay gumaling na.
Sa ngayon ay wala pang bagong kaso.
Sa isang briefing sa Palasyo, sinabi ni Herbosa na may bagong variant ng flu, kaya pinapayuhan ang mga Pilipinong maglalakbay sa mga temperate na bansa tulad ng North America at UK na maging maingat at magpakabakuna para sa northern hemisphere flu.
Aniya, kadalasan ay gumagaling nang kusa ang flu, ngunit maaaring maging malala ito sa mga may karamdaman tulad ng cancer o sa matatanda, kaya’t mahalaga pa rin ang flu vaccine.
Pinayuhan din niya ang publiko na takpan ang bibig at ilong kapag bumabahing o umuubo, at sundin ang tamang kalinisan.
Ang “super flu,” o subclade K, ay isang variant ng influenza A (H3N2) at kasalukuyang pinakakaraniwang naiuulat na flu virus sa US at UK.
Maaari itong tumagal ng ilang araw hanggang dalawang linggo at magdulot ng mas matinding sintomas kaysa karaniwan.










