Bahagyang humina ngunit nananatiling isang super typhoon category ang bagyong Pepito habang patuloy na tinutumbok ang Aurora Province sa Central Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 kph at pagbugsong umaabot sa 255 kph.

Bumagal ang bagyo at kumikilos ngayon sa direksyong West Northwestward sa bilis na 15 kph.

Kung hindi magbabago ang kasalukuyang pagkilos ng bagyo ay inaasahang tuluyan na itong magla-landfall sa bahagi ng southern Aurora mamayang hapon bilang napakamapaminsalang bagyo.

Babaybayin nito ang landmass ng Northern Luzon at Central Luzon tsaka inaasahang lalabas ng kalupaan mamayang gabi patungong West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang masungit na lagay ng panahon sa Bicol Region habang magsisimula na ring sumama ang panahon sa mainland Luzon kasama ang Metro Manila dahil sa pag-akyat ng bagyo.

Asahan na ang mapaminsalang lakas ng hangin at matitinding buhos ng ulan partikular sa mga probinsyang daraanan ng sentro ng bagyo na posibleng magdulot din ng mga biglaang pagbaha, pagguho ng lupa at storm surge o daluyong sa mga coastal areas.