
Inihayag ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. na tiyak na magdudulot ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang patuloy na pagtaas sa presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ni Steven Cua, presidente ng supermarkets groups, karaniwang naaapektohan ang presyo ng lahat ng produkto kapag tumataas ang presyo ng langis.
Sa kabila nito, nanawagan si Cua sa publiko na iwasan ang panic buying, dahil makakadagdag sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang labis-labis na pagbili, dahil sa mabilis na mauubos ang stocks ng supermarkets.
Sa kabila ng mga alalahanin, ipinunto ni Cua na wala pang opisyal na abiso mula sa manufacturers sa pagtaas sa presyo ng kanilang mga produkto.
Ipinaliwanag niya na hindi pa mararamdaman ng consumers ang agad na impact ng oil price increases dahil mayroon pang natitirang stocks ang retailers at suppliers na kanilang nabili bago sumiklab ang kaguluhan sa Middle East.
Nagbabala din si Cua sa pagmamadali na bumili ng langis o stockpile ng goods dahil makakaapekto rin ito sa supply chains dahil sa matagal bago makarating ang bagong shipments ng langis at iba pang mga produkto.










