Pumanaw na ang kinikilalang “Superstar” ng Philippine showbiz na si Nora Aunor sa edad na 71 kahapon sa The Medical City sa Pasig City, ayon sa kumpirmasyon ng kanyang anak na si Kristoffer Ian De Leon.

Hindi pa inilalabas ng pamilya ang tiyak na sanhi ng kanyang kamatayan.

Si Nora, na may tunay na pangalang Nora Cabaltera Villamayor, ay isinilang noong Mayo 21, 1953 sa Camarines Sur.

Taong 1967 nang magsimula ang kanyang karera matapos siyang magkampeon sa Tawag ng Tanghalan.

Mula noon, kinilala siya bilang nag-iisang Superstar ng industriya ng pelikulang Pilipino at naging unang kayumangging aktres na nagtamo ng pambansa at pandaigdigang pagkilala.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2022, ginawaran siya ng Order of National Artist for Film and Broadcast Arts.

Si Aunor ay hinahangaan hindi lamang sa kanyang talento kundi pati sa dami ng prestihiyosong parangal na kanyang natanggap.

Isa na rito ang Best Actress award para sa pelikulang The Flor Contemplacion Story sa 19th Cairo International Film Festival noong 1995, at ang Ang Himala na kinilalang Best Asia-Pacific Film of all time ng CNN APSA noong 2008.

Siya rin ang may pinakamaraming international best actress awards at nominado mula sa limang kontinente—Africa, Asia, Europe, Australia, at North America.

Sa lokal na industriya, hawak niya ang record bilang most nominated actress sa FAMAS na may 17 nominasyon, at naipasok sa FAMAS Hall of Fame noong 1991.

Sa Gawad Urian ay may 21 nominasyon at pitong panalo, habang sa MMFF ay walo ang kanyang Best Actress wins mula sa 13 nominasyon.

Siya rin ang kaisa-isang aktres na nanalo ng Best Actress sa Film Academy of the Philippines sa tatlong sunod-sunod na taon—isang patunay ng kanyang di matatawarang galing sa pag-arte.