Tinatayang tatagal lamang ang kasalukuyang stocks ng sibuyas sa bansa hanggang sa linggong ito, ngunit inaasahan namang magsisimula na ang pag-aani ng mga bagong sibuyas na magpapataas sa suplay ng bansa at tutugon sa pangangailangan hanggang sa unang kwarter ng taon ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI).

Batay sa datos ng BPI noong Enero 17, tinatayang nasa 8,500 metriko tonelada (MT) ng pulang sibuyas ang nakaimbak sa mga cold storage sa buong bansa, habang ang stocks ng yellow onion ay umabot sa 1,628.4 MT.

Ayon sa BPI, ang suplay ng pulang sibuyas ay tatagal lamang hanggang Pebrero 1, samantalang ang stocks ng yellow onion ay inaasahang maubos na sa loob ng linggong ito, batay sa karaniwang arawang konsumpsyon ng sibuyas sa bansa.

Gayunpaman, inaasahan ng BPI na magdadagdag ng bagong stocks mula sa mga aanihing sibuyas sa mga darating na linggo.

Tinaya ng BPI na aabot sa 40,334 MT ng lokal na pulang sibuyas ang ilalagay sa cold storage hanggang katapusan ng Marso. Ang karagdagang suplay ay titiyak na magkakaroon ng pulang sibuyas sa bansa sa loob ng hindi bababa sa 83 araw o hanggang Abril 10.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tinatayang aabot sa 19,450 MT ng yellow onion ang inaasahang maaani at mailalagay sa cold storage sa parehong kwarter. Bukod dito, nagproyekta rin ang BPI na aabot sa 2,514 MT ng imported na yellow onion ang darating simula Enero 16.

Sa kabuuan, inaasahan ng BPI na tatagal ang mga stocks ng yellow onion sa bansa ng 161 araw o hanggang Hunyo 27.