Bumuhos ang suporta sa mga examinees sa unang araw ng 2023 BAR Examinations sa Cagayan State University, Carig Campus sa Tuguegarao City.

Sinabi ni Arthur Blaquera, head ng Public Safety and Security Office ng lungsod na dalawang Unibersidad ang nagtayo ng tent sa send off area ng CSU nitong Linggo upang magbigay ng suporta sa mga BAR examinees lalo na sa mga law graduates ng University of Cagayan Valley at CSU.

Pagkatapos ng unang araw ng pagsusulit na maituturing na mapayapa ay magpapahinga muna ang mga barista at itutuloy muli sa Miyerkules, Setyembre 20 na idineklarang walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at lahat ng opisina sa gobyerno sa Lungsod.

Sa huling araw naman ng Bar Examinations sa Setyembre 24, araw ng Linggo ay paiigtingin pa ng mga otoridad ang ilalatag na seguridad sa Regional Government Center na malayo sa testing site sa inaasahang pagdagsa rito ng kapamilya, kaibigan at mahal sa buhay ng mga barista bilang bahagi ng tradisyunal na Salubong.

Layon ng mahigpit na security measures na protektahan ang mga examinees lalo na sa distraction kung saan ipagbabawal ang paggamit ng drum habang ipinatupad na rin ang liquor ban sa mga lugar na malapit sa testing site.

-- ADVERTISEMENT --

Katuwang ng 46 traffic enforcers sa pagmamando ng trapiko at pagsiguro sa kaligtasan ng bawat Bar taker ang mahigit 100 police personnel, maliban pa sa personnel mula sa Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at miyembro ng Bar Exam Task Force ng Pamahalaang Panlungsod.

Sa Tuguegarao City, mayroong 600 law graduates ang kumukuha ng bar exam.