
Pinagtibay ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamumuno ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ang dedikasyon nito sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga kasambahay sa buong bansa.
Kasabay nito, pinangunahan ng DOLE ang buwanang selebrasyon ng Araw ng mga Kasambahay na may temang “Tuloy-tuloy na Kwento ng Pag-asa at Pagkakaisa Tungo sa Bagong Pilipinas.”
Ayon kay BWSC Director Leilani M. Reynoso, patuloy ang kanilang mga aktibidad upang maipaalam sa mga kasambahay ang kanilang mga karapatan, benepisyo, at proteksyon mula sa gobyerno.
Mula Enero 18 hanggang Pebrero 18, 2026, isinagawa ang mga aktibidad sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang mga learning sessions tungkol sa Batas Kasambahay (RA 10361), ILO Convention No. 190, wage orders, at social protection programs. Sa NCR, nagkaroon ng libreng health services, TUPAD profiling, Ka-Zumbahay competition, at livelihood assistance para sa mga kasambahay.
Sa Central Luzon at CALABARZON, isinagawa ang Pledge of Commitment para sa patas na pagtrato sa mga kasambahay.
Sa iba pang rehiyon, nagkaroon ng pampering services, wellness kits, grocery packs, at tulong pinansyal. Kasabay nito, nagbukas ang mga help desks at one-stop service shops para sa civil registration, legal aid, at TESDA skills demonstrations.
Ang selebrasyon ay nagbigay-diin sa patuloy na suporta ng DOLE sa mga kasambahay habang kinikilala ang kanilang mahalagang kontribusyon sa mga pamilyang Pilipino.









