

Tuguegarao City- Tinalakay ng Tuguegarao City Council ang pagkakapasa ng supplemental budget ng lungsod upang matugunan ang mga programang ilalatag ng LGU Tuguegarao.
Bahagi nito ang paglalaan ng pamahalaang panlungsod ng P27M sa ilalim ng supplemental budget no. 6 para sa iba’t ibang mga proyekto.
Sa panayam kay City Councilor Reymund Guzman, kabilang sa mga tututukan ngayon ng LGU Tuguegarao ay ang procurement ng software system para sa information technology and communication project sa lungsod.
Sa ilalim ng nasabing programa ay mayroon aniyang P29M na ilalaan kung saan P19M ang magmumula sa supplemental budget habang ang P10M naman ay manggagaling sa annual budget.
Paliwanag nito, oras na upang tutukan ang nasabing proyekto na layuning isulong ang contact-less at cashless transaction sa lahat ng ahensya at tanggapan ng LGU Tuguegarao.
Sa pamamagitan aniya ng pagsasaayos ng software system ay hindi na kailangang magsadya ng personal sa kahit na anumang transaction dahil kaya na itong gawin online.
Sinabi pa nito na mas mapapadali na ang proceso at makaiwas sa mahabang pila, mahabang oras sa paghihintay at magiging bahagi na rin ng pag-iingat laban sa banta ng COVID-19
Samantala, kasama rin sa napag-usapan sa kanilang virtual session ay ang pagtulong sa Special Weapon and Tactics (SWAT)team ng PNP Tuguegarao.
Umaabot naman sa P2M ang ilalaan ng LGU Tuguegarao para sa pagbili ng kanilang mga tactical ballistic bullet vests, helmet at iba pang dapat na bilhin bilang suporta sa nasabing grupo.










