Ipinag-utos ng Supreme Court sa pamahalaan na ibalik ang P60 billion excess funds na inilipat sa national treasury sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Inihayag ito ni SC spokesperson Atty. Camille Ting.

Sinabi pa ni Ting na ipinagbabawal ang paglilipat ng natitirang P29.9 billion.

Ayon sa kanya, agad na ipatupad ang nasabing desisyon.

Ang desisyon ng SC ay kaugnay sa mga petisyon na inihain ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, Philippine Medical Association, ang 1SAMBAYAN Coalition, at Bayan Muna chairperson Neri Colmenares at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng petitioners sa SC na harangin ang paglipat ng excess funds ng PhilHealth na nagkakahalaga ng P89.9 billion sa national treasury.

Matatandaan na inatasan ang PhilHealth na ibalik ang nasabing sobrang pondo sa kaban ng bayan.

Naibalik ng PhilHealth ang P60 billion bago naglabas ang SC ng temporary restraining order para pigilan ang paglipat ng natitirang P29.9 billion.

Kaugnay nito, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto, na noon ay Finance secretary nang ipag-utos na ilipat ng PhilHealth ang kanilang excess funds sa Treasury, na nirerespeto nila ang desisyon ng Korte Suprema.

Idinagdag pa ni Recto na hindi naapektohan ang paghahatid ng serbisyo ng PhilHealth sa nasabing fund transfer at walang kinuha na kontribusyon ng mga miyembro.