
Sinabi ng Supreme Court o SC na may batayan ang pagpapalawak ng pagbabawal sa political dynasty hanggang sa mga kamag-anak na nasa fourth civil degree of consanguinity o affinity.
Gayunman, nilinaw ng SC na hindi nito itinatakda kung paano bubuuin ng Kongreso ang batas o kung gaano kalawak ang magiging saklaw ng pagbabawal. Nasa Kongreso pa rin ang kapangyarihang tukuyin ang depinisyon at saklaw ng political dynasty.
Kabilang sa mga isinasaalang-alang ng Korte ang ilang umiiral na batas na kumikilala sa epekto ng ugnayang pampamilya hanggang fourth degree, kabilang ang Family Code, Civil Code, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Revised Penal Code.
Noong Hunyo, inaprubahan ng Kamara sa third reading ang House Bill 8389 na nagbabawal sa ilang kamag-anak hanggang second degree na sabay na tumakbo o humawak ng posisyon sa parehong constituency o jurisdiction.
Samantala, nitong nakaraang linggo, inatasan ng SC ang Kongreso na ipasa sa lalong madaling panahon ang isang anti-political dynasty law, matapos nitong ideklarang obligasyon sa ilalim ng 1987 Constitution ang pagpapatupad ng naturang batas.
Hindi nangangahulugan ang desisyon na awtomatikong umiiral na ang fourth-degree ban. Wala pang komprehensibong batas na nagtatakda ng naturang pagbabawal; Kongreso pa rin ang kailangang magtakda ng eksaktong depinisyon, saklaw at mga probisyon nito.









