Bumuo na ng surveillance team ang mga kawani ng Bureau of Animal Industry (BAI) Central Office na nagtungo sa Cagayan upang tutukan ang pagsasagawa ng monitoring laban sa African Swine Fever (ASF) na tumatama sa mga alagang baboy sa probinsya.
Kasama ng BAI sa nasabing grupo ang Provincial Veterinary Office at Department of Agriculture na una ng nag-ikot sa walong barangay sa bayan ng Sanchez Mira at nakakuha sila ng mahigit 50 samples na isasailalim sa laborotory analysis.
Sa panayam kay Dr. Noli Buen, Provincial Veterinarian, bago ang pagdating ng grupo sa Cagayan nitong araw ng Martes ay unang nakapagtala ang PVET ng kaso ng ASF sa bayan ng Baggao at Claveria.
Aabot aniya sa tatlong baboy ang pinatay sa Brgy Taytay, Baggao habang may apat naman sa Brgy San Isidro at Buenavista sa Claveria matapos na magpositibo sa ASF ang kinuha nilang mga specimen samples sa mga ito.
Sa ngayon ay inatasan na aniya nila ang mga LGUs mula sa apektadong bayan na paigtingin ang kanilang biosecurity measures at palagiang pagkakaroon ng disinfection upang malinis ang mga apektadong barangay mula sa virus.
Paliwanag din ni Buen, layunin din ng surveillance team na mamonitor ang kasalukuyan ng status ng mga red zone area sa Cagayan upang ma-update at mailipat sa pink zone ngunit kinakailangan na walang magpopositibo sa lahat ng nakuhang samples.
Sa susunod na Biyernes ay nakatakda namang puntahan ng grupo ang bayan ng baggao upang magsagawa ng pagsusuri at matukoy ang kasalukuyang status ng kaso ng ASF sa lugar at isusunod pa ang iba pang mga bayan.
Samantala, sinabi nito na sa ngayon ay sapat naman ang supply ng karneng baboy sa probinsya kaya’t una na silang naglabas ng kautusan kamakailan na pinapayagan na ang pagluluwas ng mga produktong baboy palabas sa bawat munisipalidad.
Ito ay dahil sa may ilang mga munisipiyo na hindi nabebenta ng mga butcher ang kanilang mga kinatay na baboy at dahil sa marami ang supply ay naaapektohan na rin ang presyo ng mga produkto.
Sinabi ni Buen na sa kasalukuyan ay nasa P240-P260 ang presyo ng live weight na baboy sa probinsya ngunit kung dinadayo na mismo ng buyer ang seller ay kinukuha na lamang ito sa presyong P180-P200 habang ang kada kilo naman ng karne ay nasa P320-P380.