TUGUEGARAO CITY- Itutuloy pa rin ng National Commission on Indigineous People o NCIP ang pagsasagawa ng survey sa mga lupain sa Palaui Island sa Santa Ana, Cagayan.
Ito ay sa kabila ng mungkahi ng ilang ahensiya ng pamahalaan na huwag munang isagawa ang survey.
Sinabi ni Ruben Bastero, director ng NCIP Region 2 na hindi siya tutol sa mungkahi na bago isagawa ang survey ay kailangan muna na magkaroon ng pulong ang technical working group upang mapag-isa ang pagkakaiba ng mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan sa nasabing isla.
Ito ay dahil sa idineklarang marine reserve at naval reservation ang nasaing isla.
Ayon kay Bastero, hindi nila maaaring iatras ang survey dahil sa posibleng bawiin ang pondo para dito.
Una rito, sinabi ni Robert Adap ng Provincial Environment and Natural Resources Officer na kailangan muna na magkaroon ng pag-uusap ukol dito upang maiwasan ang pag-usbong ng anumang problema kaugnay sa mandato ng mga kaukulang ahensiya sa nasabing isla.
Sinang-ayunan ito ni Captain Charlie Rances, commanding officer ng Philippine Coast Guard sa Aparri lalo na at isang strategic point ang Palaui Island sa panahon ng giyera.
Ayon naman kay Archbishop Sergio Utleg ng Archdiocess ng Tuguegarao na hindi dapat na isakripisyo ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan sa planong pagpapaunlad sa isla.
Layon ng isasagawang survey na matukoy ang mga lupain na bahagi ng ancestral domain ng mga agta na ibibigay sa kanila kasabay ng ipagkakaloob na native title.
Sinabi ni Bastero na may go signal na mula sa kanilang central office para sa survey matapos ang isinagawang cultural mapping sa isla.
Kaugnay nito, muling magkakaroon ng technical conference ukol dito sa susunod na linggo.