Nahaharap sa panibagong kaso ang pinaghihinalaan sa 1998 textbook scam na si Mary Ann Maslog na pineke ang kanyang pagkamatay noong 2019.
Siya ay may kasong graft sa Sandiganbayan dahil sa nasabing scam, subalit sinabi na siya ay namatay na.
Subalit nitong nakalipas na linggo, nadikusbre ng mga agents ng National Bureau of Investigation (NBI) na buhay at masigla si Maslog, matapos siyang maaresto dahil sa isa pang ay racket.
Si Maslog na nakilala na nagdala umano ng isang karton na naglalaman ng P3 million bilang suhol sa Malacañang noong 1999, ay nahuli sa Quezon City noong September 25, limang taon matapos niyang pekehin ang kanyang kamatayan.
Ayon sa NBI, nagreklamo ang dalawang katao na niloko umano sila ni Maslog ng halagang P8 million sa isang investment scheme, kung saan gumamit siya ng ibang pagkakakilanlan.
Gamit ang alias na “Dr. Jesica Francisco,” ipinakilala ni Maslog ang kanyang sarili na supplier ng water systems at medical supplies sa
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ng isa sa complainant na kinaibigan siya ni Maslog noong September 2021 hanggang sa nahikayat niya ito na mamuhunan ng P5 million sa BARMM project, at pinangakuan na may makukuha siya na P65 million.
Matapos ang isang taon, nagbigay si Maslog ng manager’s check sa complainant na nagkakahalaga ng P58 million bilang kanyang bahagi sa investment.
Subalit talbog ang nasabing tseke.
Nang maaresto si Maslog, nadiskubre ng NBI na ang fingerprint na nakuha mula sa biometric printout mula sa Bureau of Immigration ay nagtugma sa NBI clearance ni Maslog sa NBI noong 2016.
Sa isinagawang beripikasyon ng NBI sa mga korte, natuklasan na si Maslog, na kilala din na si Mary Ann Evans Smith at Mary Ann Tupa Maslog-Smith ay may warrants of arrest sa Makati at Parañaque regional trial courts.
Kaugnay nito, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ipinalaam na nila sa Sandiganbayan ang tungkol sa pagkakaaresto kay Maslog.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Maslog at mananatili siya sa NBI custody habang hinihintay ang kautusan mula sa korte.
Sinabi ni Santiago na naghain sila ng kasong 29 counts of falsification of public documents, at violation of the anti-alias law laban kay Maslog sa Quezon City prosecutor’s office.
Bukod pa ito sa kasong estafa at bribery na isinampa laban sa kanya.
Matatandaan na noong 1998, si Maslog na kumatawan sa isang textbook publishing company na Esteem Enterprises, ay isinangkot sa P24-million graft case na kinasangkutan ng mga opisyal ng Department of Education, na noon ay Department of Education, Culture and Sports (DECS).