Napatay ang suspek sa paghagis ng granada sa Matalam, Cotabato sa unang araw ng Bagong Taon sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Kinilala ng Matalam police ang suspek na si alias “Can.”

Ayon sa pulisya, nanlaban umano ang suspek at pinaputukan ang mga pulis na aaresto sa kanya kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok.

Dinala ang suspek sa Babol General Hospital.

Nakuha sa suspek sa pinangyarihan ng insidente ang .45 caliber pistol, isang magazine, apat na fired cartridge cases ng .45 caliber ammunition, at apat na fired cartridge cases ng 5.56 caliber ammunition.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng pulisya, nang kapkapan ang suspek sa ospital, nakakuha sila ng isang maliit bna plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1,000 at dalawang improvised glass tubes.

Sa kalagitnaan ng pagdiriwang sa Bagong Taon, 22 katao ang nasugatan matapos na maghagis ng granada ang suspek sa national highway sa Barangay Dalapitan.

Kabilang sa mga nasugatan sa kanyang paa ang isang menor de edad.

Ayon sa mga saksi, nanonood ang mga biktima sa mga motorsiklo na ginagawang paingay sa pagsalubong sa Bagong Taon nang mangyari ang insidente.