Inihayag ng sumukong lalaki na umamin na pinatay niya ang pitong kapwa niya panadero na inunahan niya ang mga ito sa plano na pagpatay umano sa kanya.
Nangyari ang insidente sa Barangay Cupang, Antipolo City, kung saan dalawa sa mga biktima ay menor de edad.
Ayon sa suspek, isa sa mga biktima ay ang master baker at kanyang business partner at gusto umano na solohin ang bakery.
Sinabi niya na pinagbantaan umano siya na papatayin gamit ang unan para pagdating ng kanyang asawa ay sasabihin na binangungot siya.
Ayon sa kanya, narinig niyang nag-uusap ang master baker at ang isa pang panadero sa plano na pagpatay sa kanya.
Sinabi ng suspek na magkakamag-anak umano ang master baker at ang iba pang panadero, kaya alam niyang walang susuporta sa kanya, kaya inunahan na niya ang mga ito na patayin.
Dahil dito, pinainum niya ang biktima dahil kanyang kaarawan, subalit nanghinala siya na papatayin siya kapag nakainom na siya kaya, pagkatapos ng inuman ay pinatay na niya ang mga ito.
Isinalaysay pa niya na inatake siya ng mga biktima, subalit siya lang ang may hawak ng kutsilyo at dahil madilim, pinagsasaksak niya ang lumapit at yumakap sa kanya.
Kasabay nito, sinabi niya na sumuko na lamang siya dahil wala siyang mapuntahan at alam niyang mahuhuli din siya ng mga awtoridad.