
Isinailalim na inquest proceedings ang suspek sa natagpuang nasunog na bangkay ng 19 anyos na dalaga sa Quezon, Nueva Vizcaya kamakailan.
Sinabi ni PCOL Paul Bomativo, director ng NUeva Vizcaya Police Provincial Office na kasong mur4der ang inihain sa piskalya laban sa suspek na kinilala sa alyas na si Ernesto, 33 anyos, binata at tricycle driver.
Ayon kay Bemotivo, sumuko ang suspek matapos ang isinagawang follow-up investigations ng binuong special investigation team.
Sinabi niya na natukoy ang suspek na unang itinuring na person of interest sa krimen sa pamamagitan ng mga CCTV footage.
Ayon sa kanya, ang suspek ang huling nakita na kasama ng dalaga na sumakay sa pick-up.
Sa interogasyon sa suspek, inamin niya ang krimen, kung saan ay tinangka niyang halayin ang biktima subalit nang pumalag ay sinakal umano niya ito hanggang sa mawalan ng malay o wala nang buhay.
Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng lalaki ang panghahalay sa biktima, at kasunod nito ay kanya itong sinunog.
Sinabi ni Bemotivo na magkakilala ang dalawa dahil sa madalas umano na isakay ng lalaki ang dalaga sa motorsiklo at sa pick-up para ihatid sa kanyang paaralan.
Subalit sinabi ng ama ng biktima na hindi niya alam kung may relasyon ang kanyang anak at ang suspek dahil wala naman umanong nababanggit sa kanya ang anak.










