TUGUEGARAO CITY-Posibleng may tama din ng baril ang isa sa mga suspek na tumambang at bumaril sa isang negosyante at sa dalawang kasamahan nito sa bayan ng Solana, Cagayan, nitong hapon ng martes.
Ayon kay Police Capt. Jun Jun Balisi, hepe ng PNP-Solana, ito’y matapos makitaan ng bakas ng dugo ang ginamit na sasakyan ng mga suspek.
Una rito, narekober ng Pnp-Enrile ang ginamit na “getaway vehicle” ng mga suspek na inabandona sa gilid ng national highway sa nasabing bayan.
Nang inspeksyonin ng mga kinauukulan ang sasakyan, nakita ang ilang piraso ng damit, posas, basyo ng bala ng hindi mabatid na baril at ang bakas ng dugo.
Dahil dito, maaring tinamaan din ang isa sa mga suspek matapos gumanti ng putok ng baril ang mga biktima na sina Tony De Asis, negosyante, driver nito na si Joven Belango at ang isa pa nilang kasamahan na si Julian Romero.
Nakakasiguro naman si Balisi na ang narekober na sasakyan ay ang ginamit ng mga suspek sa pamamaril dahil sa nakitang natanggal ang cover ng right side mirror ng sasakyan kung saan nakita ito sa pinangyarihan ng krimen at sa mga nakitang tama ng baril ng sasakyan.
Samantala, batay sa pakikipag-ugnayan sa land transportation Office (LTO) ng kapulisan, nakilala ang may ari ng sasakyan na si Charmaine Caday na mula sa Pangasinan.
Kaugnay nito, sinabi ni Balisi na patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng kanilang hanay para sa agarang pagkahuli nang nasa likod ng pamamaril habang nananatiling nagpapagamot ang tatlong biktima.