Dead on the spot ang suspek sa pagpatay sa dalawang pulis matapos umanong manlaban sa mga otoridad na magsisilbi sana ng warrant of arrest sa kanya sa Brgy. Bacagan, Baggao, Cagayan.

Kinilala ang wanted na suspek para sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na si alyas Xander, nasa hustong gulang at residente ng Bocaue, Bulacan.

Ayon kay PMAJ Sharon Mallillin, information officer ng Police Regional Office 2, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis nang agad bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang operatiba na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Nabatid na nakilala si alyas Xander sa pamamagitan ng CCTV na siyang bumaril at nakapatay sa dalawang pulis sa Bocaue na nagsagawa noon ng gun buy-bust operation noong Marso-8 ngayong taon.

Matapos ang pamamaril, tinangay pa ng suspek ang baril ng isa sa mga nasawing pulis na isang unit ng Glock 9MM na kanya namang ginamit sa nangyaring engkwentro.

-- ADVERTISEMENT --