Natukoy na ng pulisya ang mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Lullete Jane Ramilo, dating Ms. Philippines Earth 2013 3rd Runner-up.

Ayon sa Police Regional Office 2, naisampa na ang kasong murder laban sa isa sa mga suspek na kinilalang alyas “JayR,” at kasalukuyan na itong sumasailalim sa preliminary investigation sa piskalya.

‎Matatandaan na ang insidente ay naganap bandang alas-sais ng gabi noong Pebrero 13, 2026 sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela.

‎Tiniyak ng kapulisan na naging masusi ang kanilang imbestigasyon, kabilang ang mahigpit na koordinasyon sa Office of the Provincial Prosecutor ng Isabela upang mapanatili ang integridad ng ebidensya at matiyak ang maayos na pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable.

‎Sa pahayag ni Isabela Police Provincial Director, Police Colonel Manuel B. Bringas, nananatiling determinado ang kanilang hanay na makamit ang hustisya para sa pamilya ng biktima.

‎Samantala, agad namang bumuo ng Special Investigation Task Group o SITG Ramilo ang Police Regional Office 2 sa pangunguna ni Regional Director, Police Brigadier General Antonio P. Marallag Jr., bilang tugon sa krimen.

‎Pinuri rin ng opisyal ang mga operatiba sa kanilang patuloy na pagsisikap upang mapanagot ang mga salarin, at iginiit na ang bawat hakbang ay naaayon sa batas at tamang proseso.