Nagkasa na ng manhunt ang pulisya laban sa isang lalaki na suspek sa pagpatay sa pamamagitan ng pananaksak sa kanyang kinakasama noong gabi ng binyag at unang kaarawan ng kanilang nag-iisang anak na babae sa bayan ng Allacapan, Cagayan.
Kinilala ang tumakas na suspek na si Nelson Villacillo, 31-anyos, residente ng Brgy Pateng, Gonzaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Joel Labasan, hepe ng PNP-Allacapan na dakong alas 11:30 ng gabi nitong Lunes, November 14 nang nangyari ang pananaksak matapos ang pagtatalo sa pagitan ng suspek na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at ang biktimang si Carissa Almazan, 25-anyos ng Brgy Binubongan, Allacapan.
Ayon kay Labasan, nagawa pang humingi ng saklolo ang biktima sa kanyang magulang na nakalakad pa ng hanggang sampung metro at naisigaw pa nito ang pangalan ng kanyang kinakasama na siyang sumaksak sa kanya.
Agad isinugod ang biktima sa RHU Allacapan ngunit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor at batay sa post-mortem examination na isinagawa ay nagtamo ito ng limang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan gamit ang may habang 6-inches na patalim.
Nabatid na tatlong taon pa lamang na nagsasama ang dalawa na dating nakatira sa bayan ng Gonzaga, subalit umuwi lamang sa bayan ng Allacapan ang babaeng biktima dahil sa umanoy pambubugbog sa kanya ng suspek.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng suspek sa pananaksak nito sa biktima na nahaharap sa kasong murder.