Tinutugis na ng mga otoridad ang mga responsable sa pagpatay sa kapitan ng barangay Fula sa bayan ng Buguey, Cagayan.

Sinabi ni PCAPT Joel Labasan ng PNP Buguey na bagamat kinasuhan na nila ang primary suspect sa pagpatay kay Kapitan Reynante Rita-rita na si Joey Cabeza ay tumakas umano ito pagkatapos ng krimen.

Ayon sa kanya, may nakuha silang impormasyon na pumunta ng Ilocos ang suspek at maging ang kanyang pamilya.

Sinabi ni Labasan na natukoy nila ang suspek sa pamamagitan ng isang witness kung saan nakita umano nila na sumunod si Cabeza sa sasakyan ng mga gunmen.

Bukod dito, sinabi niya na matagal na umanong may alitan ang pamilya Cabeza at sa kapitan bago pa man ang eleksyon sa barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na dating ang mga Cabeza ang nakaupong kapitan na nilabanan ni Rita-rita kung saan siya ang nanalo.

Lumalala ang alitan ng magkabilang panig ng akusahan si Ritarita na siya ang sumunog sa lumang bahay ng mga Cabeza.

Samantala, sinabi ni Labasan na si Cabeza ay nakulong ng ilang taon sa BJMP dahil sa pagpatay noon kay Judge Andres Cipriano noong 2010 sa Aparri at isinasangkot din siya sa mga pagpatay sa Camalaniugan at sa Buguey.