Nahaharap sa patong-patong na kaso ang SUV driver na sangkot sa pamamaril ng apat na katao, kabilang ang girlfriend nito, sa Sitio Calumpang, Barangay San Jose in Antipolo City kahapon.

Ayon sa ulat, nagsimula ang insidente sa isang pagtatalo sa pagitan ng suspek at isang lalaking rider na nakasuot ng helmet sa kalsada sa Barangay San Jose, Antipolo.

Base sa kumalat na video sa social media, makikita ang suspek na nakikipag-away sa rider habang inaawat ng mga nakasaksi sa insidente.

Kasunod nito ay bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok ng ilang beses.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, Antipolo City Police chief, tinangkang tumakas ng suspek lulan ng SUV, ngunit naharang ito ng mga rumespondeng pulis sa isang Comelec checkpoint.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga biktima sa pamamaril ang 52-anyos na rider na tinamaan ng bala sa ulo at ang kanyang 22 years old na anak na natamaan naman sa kanang braso.

Tinamaan din ng bala sa dibdib ang isang 22-anyos na lalaki na umawat sa pag-aaway, at sa hita naman napuruhan ang misis ng suspek.

Dagdag pa ni Manongdo na ang suspek ay may lisensya para sa baril ngunit hindi siya exempted mula sa gun ban sa panahon ng halalan.

Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong multiple frustrated homicide pati na rin sa paglabag sa Omnibus Election Code.