Nakalaya na si Kristian Rafael Ramos, ang suspek na bumaril at nanakit sa kanyang kaklase na si Althea Vivien Mendoza, kapwa third year students sa kursong Medical Technology sa Saint Paul University matapos makapaglagak ng piyansa.

Ito ay may kaugnayan sa kanyang kinakaharap na kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200k at P36K para sa kasong paglabag sa Election Gun Ban.

Maalala na nitong gabi ng Lunes, November 13 ng maganap ang pamamaril ng suspek sa biktima at kalaunan ay pinagpapalo pa ito gamit ang hawak niyang baril na nagresulta upang magtamo siya ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang ulo, mukha at katawan.

Sinabi ni PCAPT Ana Marie Anog, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao na agad nakalaya mula sa detention facility ng pulisya si Ramos nang makapaglagak siya ng piyansa habang ang biktima ay nananatili namang inoobserbahan ang kondisyon sa ospital.

Saad ni Anog, itinuturing na isang isolated case ang naturang insidente dahil ito lamang ang unang kaso ng pamamaril na naganap mismo sa loob ng pribadong unibersidad.

-- ADVERTISEMENT --

Una ng lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na maaaring ang pagiging magkaibigan lamang na turing ng biktima sa suspek ang naging dahilan ng pamamaril nito sa kanya.

Samantala, pinulong kahapon ng PNP Tuguegarao ang pamunuan ng mga paaralan at unibersidad sa lungsod kung saan napag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin sakaling may maganap na kahalintulad na insidente.

Ayon kay Anog, aabot sa 35 na mga kinatawan ng mga paaralan sa lungsod ang nakilahok sa pulong na layuning isulong ang paglalatag ng mga security and preventive measures upang makaiwas sa ibat ibang krimen o insidente sa loob ng paaralan.

Nagpahayag naman aniya ng pakikiisa ang lahat ng mga dumalong school heads at mga representatives kung saan inirekomenda nila ang pagbalangkas ng polisiya na magpapatibay sa pagpapatupad ng mga school guards ng mahigpit na pagsusuri sa mga gamit ng lahat ng mga pumapasok sa paaralan.

Sa ganitong hakbang ay makakaiwas aniya na makapagpuslit ang mga estudyante at sinumang pumapasok sa eskwelahan ng kontrabandong maaaring gamitin sa krimen.

Tiniyak naman ni Anog na magsasagawa rin ang PNP Tuguegarao ng simulation exercises sa lahat ng mga school guards upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa tamang pangangasiwa bago, kasalukuyan at pagkatapos ng anumang insidenteng maaaring maganap sa loob ng isang eskwelahan.