Pumayag umanong makipag-areglo ang pamilya ng nasawing magsasaka matapos mahulog at magulungan pa ng sasakyan na kanyang pinara upang makisakay sa Sitio Mencita, Tidang Village, Kayapa, Nueva Vizcaya noong Huwebes, June 29, 2023.
Kinilala ang biktima na si Freddie Monang, binata at residente ng Tidang Village sa bayan ng Kayapa.
Ayon kay PCAPT Manny Paul Pawid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, iniurong na ang reklamong isinampa laban sa driver ng Isuzu elf na si Julius Ampat, 34-anyos at residente ng Besong, Kayapa dahil sa kasunduang pinasok nito sa pamilya ng biktima.
Matatandaan na dakong hapon nang pinara ng biktima na noon ay nakainom ng alak ang elf na kanyang kakilala at pauwi na rin sa Kayapa.
Dahil sa kalasingan ay nakatulog umano ang biktima sa driver seat at nakasandal sa pintuan ng lumang sasakyan subalit pagdating sa palikong bahagi ng lansangan ay biglang bumukas ang pintuan na dahilan ng pagkahulog ng biktima.
Nagulungan pa ang biktima ng likurang bahagi ng elf na sanhi ng kanyang pagkamatay.