Posibleng sampahan ng kasong human trafficking ang suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ngayong linggo.
Ipinaliwanag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na posibleng may pananagutan si Guo sa nasabing krimen dahil sa partial ownership niya sa mga ari-arian na nangyari umano ang human trafficking activities.
Tinukoy ni Casio ang probisyon sa anti-human trafficking law na nagpapataw ng parusa sa mga may-ari ng mga gusali at properties na nagpapahintulot na gamitin ang kanilang ari-arian sa human trafficking.
Una rito, sinabi ni Guo na ibinenta niya ang kanyang share sa Baofu Land, ang ari-arian sa Tarlac na sinalakay ng mga otoridad ang iligal na Philippine offshore gaming operator (Pogo) ang Zun Yuan Technology Inc. noong buwan ng Marso.
Sinabi ni Casio na bagamat sinabi ni Guo na ibinenta niya ang kanyang share sa Baofu Land bago siya tumakbo bilang mayor noong 2022, may pananagutan pa rin umano siya dahil siya ang pumirma ng lease contracts sa pagitan ng Zun Yuan Technology Inc. at Baofu Land.