Pinayuhan ng Civil Service Commission ang mga examinees na umantabay sa mga anunsiyo para sa bagong schedule ng Civil Service Exam na nakatakda sana sa Linggo, March 15, 2020.

Itoy matapos pansamantalang ipinagpaliban sa buong bansa ang Career Service Examination Pen and Paper Test (CSE-PPT) kasunod ng deklarasyon ng state of public health emergency dahil sa paglobo ng kaso ng coronavirus disease sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional Director Nerissa Canguilan ng CSC-RO2 na bahagi ito ng preemptive health measure para maiwasan ang pagdami ng kaso ng sakit sa bansa.

Ayon kay Canguilan, prayoridad ng ahensiya ang kaligtasan ng libu-libong examinees at dapat sundin ang babala ng Department of Health (DOH) na bawal muna ang malakihang pagtitipon dahil sa banta ng COVID-19.

Sa Region 2 na lamang ay aabot na aniya sa mahigit 17,000 examinees ang nakarehistro para sa professional at sub-professional level na dapat ay kukuha ng pagsusulit sa Linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, walang pang ibinigay na bagong petsa para sa naturang pagsusulit dahil walang katiyakan kung hanggang kailan tatagal ang banta ng COVID-19.

Samantala, sinabi ni Canguilan na sakaling makitaan ng sintomas ng COVID-19 o may history ng travel abroad ang mga kawani at opisyal ng gobyerno ay hindi magagalaw o hindi ikakaltas sa kanilang leave credit ang 14-day quarantine process.