Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 20 araw na suspension ng lahat ng importasyon ng bigas simula sa September 1, 2025.
Sinabi ni Marcos na ito ay upang maprotektahan ang mga magsasaka ng bansa sa bumababa na presyo ng palay ngayong panahon ng anihan.
Ang kautusan ng pangulo ay kasunod ng isinagawang mga konsultasyon sa mga mahahalagang opisyal ng gabinete sa sidelines ng kanyang limang araw na State Visit sa India.
Sinabi ni Communications Secretary Dave Gomez ang suspension ng rice importation ay base sa rekomendasyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Gayunman, nilinaw ni Marcos na hindi muna ipapatupad ang panukala ng Department of Agriculture na itaas ang taripa sa imported rice.
Ayon kay Marcos, pag-aaralan muna kung kailangan na ibaba ang taripa sa imported rice.
Sinabi niya na ang focus sa ngayon ay ang pagprotekta sa mga lokal na magsasaka.
Matatandaan na inirekomenda ng DA ang pagtaas sa taripa at pansamantalang pagsuspindi sa rice importation nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa DA, ito ay para mapatatag ang farmgate prices at maiwasan ang oversupply sa panahon ng anihan sa Agosto at Oktubre.
Batay sa price monitoring ng DA noong Hulyo, ang farmgate prices sa maraming probinsiya ay bumaba sa P15-16 per kilo – malayo sa sa P23-27 per kilo sa mas maraming magsasaka.
Iniugnay ng DA ang pagbaba ng presyo sa tumataas na rice imports at ang mga espekulasyon sa merkado bago ang panahon ng anihan.