
Nagpatupad ng suspensiyon ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ang Philippine National Police (PNP) mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, 2025, kasabay ng inaasahang “Trillion Peso March” sa Linggo.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., tanging ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement personnel na nasa opisyal na tungkulin at nakasuot ng uniporme ang pinapayagang magdala ng baril.
Magde-deploy ang PNP ng higit 9,000 pulis sa iba’t ibang lugar ng protesta upang masigurong mabilis ang tugon sa anumang emergency at maipatutupad ang batas, hindi para takutin ang mga nagpoprotesta.
Ani Nartatez, patuloy na ipapakita ng pulisya ang maximum tolerance at ang intelligence units ay minomonitor ang mga posibleng agitators upang maiwasan ang kaguluhan gaya ng nangyari noong Setyembre 21 rally sa Manila.
Tiniyak niya na igagalang ng PNP ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at nakatuon sa pagpapanatili ng ligtas, maayos, at organisadong kapaligiran para sa mga demonstrasyon sa buong bansa.










