Pinalawig pa ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano hanggang Marso 17, 2020 ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod.
Inatasan din ng alkalde ang City Health Office, katuwang ang Department of Education na magsagawa ng sanitation at i-disinfect sa lahat ng mga paaralan at ginamit na billeting area at contested venues sa National Schools Press Conference na magtatapos bukas, March 13.
Ito ay bilang proactive measure ng lungsod sa pinangangambahang sakit na COVID-19.
Inabisuhan din ng alkalde ang mga establishimento na magpatupad ng preventive mesasure kontra COVID-19.
maliban sa thermal scanners na susuri sa body temperature, hinimok ni Soriano ang mga establisyimento ng pagkakaroon ng mga hand sanitizers at alcohol.
Samantala, mariing pinabulaanan ng DEPED RO2 ang kumakalat na balita sa social media na may dalawa umanong pasyente na kalahok sa NSPC ang nagpositibo sa COVID-19 na naka-quarantine sa St. Paul Hospital.
Ayon kay Amir Aquino, tagapagsalita ng DEPED RO2, fake news ang nasabing impormasyon dahil nasa maayos na kalagayan ang lahat ng mga delegado.
Kaugnay nito ay hinihimok ngayon ang publiko na iwasan ang pagpost at pag-share ng hindi beripikadong balita sa social media dahil hindi nakakatulong sa pagsugpo ng nasabing sakit.