Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat ang susunod na maitatalaga bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ay maging isang ‘perfect replacement” para tumulong sa pagtugon sa malalaking hamon sa sektor ng edukasyon.
Uumaasa naman si Cayetano na hindi makakaabala ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang education secretary sa paghahanda ng ahensya para sa nalalapit na pagbubukas ng school year.
Kumpiyansa aniya ang senador sa mga propesyunal na kawani ng DepEd para ipagpatuloy ang mga gawain.
Samantala, nanawagan naman si Senate Minority leader Koko Pimentel kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad nang maghanda para makapagtalaga ng susunod na kalihim ng edukasyon.
Ayon kay Pimentel, ang itatalaga ng Pangulo ay dapat isang indibidwal na nakapagtrabaho na o matagal nang nagtratrabaho sa DepEd.
Mainam aniyang mai-appoint ang indibidwal na pamilyar na kung paanong nagtratrabaho ang ahensya; alam ang mga problema ng education sector at educational system; at isang taong itinuon na ang kanyang buhay sa edukasyon at makakapagpakita ng magandang track record dito.