Inaalam pa ng mga awtoridad kung lehitimo ang sticker ng Office of the President na nakadikit sa isang SUV na nasangkot sa aksidente kaninang madaling araw sa Taft Avenue sa Manila.

Pasado alas dose ng hatinggabi kanina nang abutan ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang isang SUV sa bahagi ng Taft Avenue.

Ayon sa mga awtoridad, naunang naaksidente and SUV na minaneho ng isang Chinese national, at nadamay ang isang motorcycle rider.

Sinabi ni John Tecson, operation supervisor ng MDRRMO, agad silang rumesponde nang may nag-radyo sa kanila na may bumangga na kotse sa isang poste.

Sa lakas ng impact, nawasak ang harapan at likurang bahagi ng SUV habang nawasak din ang harapang bahagi ng motorsiklo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa MDRRMO, agad nilang nilapatan ng paunang lunas ang sakay ng motorsiklo na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago isinugod sa ospital, habang nagtamo ng galos sa braso ang driver ng SUV.

Ayon sa MDRRMO, posibleng nakainom ang driver ng SUV na patuloy itong inaalam ng pulisya.

Inabot ng kalahating oras bago tuluyang naiangat ang SUV at nalinis ang kalsada mula sa mga bubog at langis na tumagas sa lugar.

Hawak na ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang driver ng SUV.

Nang kuhanan ng pahayag ang driver, humingi lamang siya ng paumanhin sa nasabing pangyayari.