Nasawi ang dalawang katao, kabilang ang isang 4-anyos na batang babae matapos araruhin ng isang SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-8:55 ng umaga matapos mawalan umano ng kontrol ang driver ng SUV.
Naka-park na umano ang sasakyan matapos maghatid ng pasahero, subalit nang may bigla umanong tumawid na sasakyan sa harapan nito, nataranta ang driver at imbes na preno ay aksidenteng naapakan ang silinyador, dahilan para humarurot at bumangga sa bahagi ng terminal.
Karamihan sa mga nasugatan ay mga overseas Filipino workers (OFWs) na pabalik na sana sa ibang bansa, pati na ang ilang kaanak na naghahatid sa kanila.
Agad silang isinugod sa ospital dahil sa mga tinamong sugat at bali sa katawan.
Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) at sinabing sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na kumpirmasyon kaugnay ng sanhi ng insidente at bilang ng mga nasugatan.
Ayon dito, mahigpit ang koordinasyon nila sa lahat ng kinauukulang ahensya upang makakalap ng tumpak na impormasyon.
Nauunawaan din aniya ng pamunuan ang pag-aalala na dulot ng insidenteng ito, lalo na’t kumalat na ang mga larawan sa social media.
Hinihikayat naman ng pamunuan ng NNIC ang publiko na huwag magbigay ng haka-haka at maghintay ng opisyal at beripikadong mga update na ilalabas sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan ay hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang driver ng SUV at patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.