Nanawagan ang Department of Health Region 02 sa mga magulang na suportahan ang inilunsad na “suyod Barangay at sulong bakuna” bilang pakikiisa sa pambansang kampanya sa pagbabakuna upang mapigilan ang paglaganap ng mga sakit sa bata.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lexter Guzman, tagapagsalita ng DOH-RO2 na “door to door” ang gagawing pagbabakuna subalit maari din naman pumunta sa mga health centers ng barangay upang pabakunahan ang kanilang mga anak na edad dalawang taon pababa.

Layunin nitong matiyak na mabigyan ng follow ups at mabakunahan ang mga bata sa rehiyon kabilang na ang Batanes, katuwang ang mga Local Government Units at magtatagal ang programa hanggang Disyembre.

Tiniyak ni Guzman na na ang mga bakuna na ibinibigay ng ahensiya tulad ng oral polio vaccine, BCG, DTP at iba pa ay matagal nang napatunayang ligtas at matagal nang ibinibigay sa mga bata.

Kaugnay nito, nanawagan ang DOH sa mga magulang na ibalik ang tiwala sa mga bakuna na ibinibigay ng libre sa kanilang mga anak para maiiwas ang mga ito sa mga sakit.

-- ADVERTISEMENT --