Nakalimutan umano ng pinagtatrabahuang pribadong kumpanya ng isang nagpostibo sa coronavirus disease sa Solana, Cagayan ang resulta ng kanyang SWAB test kung kaya nakapag-trabaho pa ito ng ilang araw sa Santiago City, Isabela.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), ang 29-anyos na pasyente na residente sa Barangay Nabbotuan, Solana at nagtatrabaho bilang electrical engineer sa Isabela ay sumailalim sa SWAB Test na isinagawa ng kanilang kumpanya noong ika-10 ng Hunyo.
Lumabas ang resulta nito na positibo sa virus noong ika-12 ng Hunyo, subalit nakalimutan umano ng kanyang kumpanya ang resulta ng test kung kaya pinayagan pa itong makapag-trabaho mula June 17 hanggang June 22.
Noong June 22, dumating ito sa Solana kung saan nito nalaman na nagpositibo pala siya sa COVID-19 hanggang sa nalaman ng Rural Health Unit ng Solana at agad na nairefer sa CVMC.
Sinabi ni Dr. Baggao na nanatiling asymptomatic ang pasyente at nasa maayos na kalagayan sa COVID-Ward.
Puspusan na rin ang isinasagawang contact tracing sa posibleng nakamsalamuha ng pasyente lalo na sa Isabela na naideploy sa kanilang ibat-ibang proyekto.
Nabatid pa na nasundo na ng CVMC ang asawa ng pasyente matapos itong magpamalas ng sintomas ng virus na itinuturing na ngayon bilang suspected case.
Sa ngayon ay nasa tatlo ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang ginagamot ngayon sa CVMC habang labing-isa ang suspected case.
Sa buong Region 02 ay pito ang panibagong nagpositibo sa virus ngayong araw kung saan tatlo rito ay mula sa Aurora; tatlo sa Ilagan City sa lalawigan ng Isabela; at isa sa Solana, Cagayan.
Dahil dito, umakyat na sa 56 ang bilang ng confirmed cases ng covid 19 sa lambak cagayan