Ipinagkaloob ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 (DA RFO 2) sa pamamagitan ng kanilang Livestock Program ang Swine Housing Facility sa Mabitbitnong Small Water Irrigation System Association sa bayan ng Sto Nino, Cagayan.
Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P5.5M sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) kung saan ipinaabot ni Undersecretary of the Department of Agriculture for Livestock Deogracias Victor Savellano sa pamamagitan ng isang video message ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan at pribadong sektor sa ibinigay na suporta at kooperasyon.
Ang proyekto ng INSPIRE ay inilunsad upang tumugon sa mga problema sa industriya ng baboy, makabangon ang mga magsasaka mula sa epekto ng African swine fever at buhayin at palakasin pa ang industriya ng baboy.
Samantala, nagpasalamat naman si Sto Nino Mayor Vince Pagurayan sa Department of Agriculture sa pagsasakatuparan ng community based swine repopulation project na ito.
Sinabi naman ni Mabitbitnong SWISA President Romeo Balisi na Breeder Program ito at marami pa silang mga gawain na dapat gawin.
Ang mga alituntunin para sa proyektong ito ay nagsasaad na ang karapat-dapat na Farmers Cooperative and Association ay dapat magkaroon ng hindi bababa sa 30 swine-raising na miyembro na nakarehistro sa registry system for basic sector in agriculture o RSBSA, at dapat na CSO accredited na may hindi bababa sa 50 porsiyento ng mga miyembro na may karanasan sa pagpapatakbo at pamamahala ng isang negosyo ng baboy.
Tatlong project packages ang makukuha sa ilalim ng programa, na nagkakahalaga ng P5.5 milyon, at P10 milyon. Sa ilalim ng package one na nagkakahalaga ng P10 milyon na may 300 head capacity, sasakupin ng financing ang biosecure housing and facilities, feeds, piglets at lupa.
Ang package two na nagkakahalaga ng P5.5 milyon na may 300 head capacity ay sasaklaw sa mga bahagi ng pabahay at lupa kung saan ang mga input ay ibibigay ng swine integrations sa ilalim ng contract growing.